ShareThis

  THE WRITE CONNECTION

Alay sa Araw ni Balagtas



Bilang paggunita sa araw ng tinaguriang “Shakespeare ng Pilipinas,” si Francisco Baltazar, na nagtago sa kanyang ngalan sa panulat (pen name) na Francisco Balagtas, ay naisipan kong sulatin ang Write Connection sa Tagalog. Patunay rin ito sa ibang kapwa ko manunulat na Filipino American, na hindi ganoon kahirap gamitin ang wikang Pilipino upang ipahayag ang aming kaisipan at damdamin. Ang tutuo, kung madalas nating gagamitin ay huhusay at bibilis rin tayo at mabibigyang-pansin rin natin ang kakaibang dating ng ating panulat sa wikang Pilipino.
Akin rin napapansin na sa lahat ng “ethic” na pahayagan ay ang sa mga Pilipino lamang ang nasusulat sa Ingles. Ang mga babasahin para sa Intsik, Hapon, Polish, Russians, Vietnamese, Koreans, Mexicans at iba pa ay nasusulat sa kanilang sariling wika. Tanging ang Pilipinong pahayagan lamang ang nalalathala sa ibang wika.
Ito ang dahilan kung bakit kahit paano ay naglalagay kami sa MegaScene ng Dahong Pilipino. Kung natatandaan pa ninyo, sa aming Philippine Time, may manunulat kami sa Tagalog na nagging popular dahil sa kanyang napakahusay na panulat sa Tagalog. Siya ay gumamit rin ng alyas na Patnubay Jones. May kakaibang hagod at buhay ang panulat ni Patnubay Jones kayat marami ang humanga sa kanya. Sayang at nahinto siya and hindi na muli pang bumalik sa kabila ng aming mga paalala.
Nang dumating si Fermin Salvador at nagsabing gusto niyang sumulat sa Tagalog, ay dalawang kamayat buong puso namin siyang tinanggap. Mayroon din si Fermin na kakaibang style ng pagsulat. Malawak at malalim rin ang kanyang pinagkukunan ng mga iba’t-ibang paksa. Seryoso ang mga tema ng kanyang panulat at hango rin sa kanyang mga personal na karanasan at obserbasyon.
May isa pang manunulat sa Tagalog ngunit sa ibang pahayagang Pilipino American. Nakakatuwang basahin ang kanyang mga sinulat at hindi ko mapigil ang humalakhak dahil tunay na nakaka-aliw ang pagpili niya ng mga salita na angkop na angkop sa mga paksang pang-araw-araw at mababaw ngunit tunay na nakakaaliw.
Ang paggamit ng Tagalog sa panulat ng isang Pilipino, maging karaniwang sulat lamang ito sa kapwa Piipino ay hindi natin nakagawian ditto sa Amerika. Mas madali kasing gamitin na lang ang Ingles dahil mas mahaba ang katumbas na salaysay sa Tagalog. Sa usapang berbal ay hindi problema ang paggamit ng Tagalog o Pilipino, palibhasa ay hindi pormal ang mga salitang gamit at binibigkas ng lahat.
Marami rin sa atin ang may kakaibang pananaw sa mamahayag o manunulat sa Tagalog. Para bang mas menos ang gumagamit ng sariling wika at hindi dapat ipantay o ihambing sa galling ng mga gumagamit ng Ingles. Alam ko, dahil isa ako sa kanila noon. Nagbago ako ng paniniwala buhat ng ilabas namin ang Philippine Time. Kailangan lang ang isang mahusay na manunulat sa Tagalog tulad ni Patnubay Jones upang maalis ang aking “bias” sa sariling wika.
Nang imbitahan ako ng nasirang si Rolly Cailles upang makipag-Balagtasan sa Michigan sa okasyon ng ika-apat o ika-limang NaFFAA Regional Conference , nabuksan muli ang daigdig ng tula sa aking buhay. Ang hindi alam ng kahit sino ay tumutula ako sa mga programa nang ako ay nasa elementary lamang. Ang aking ina ang matiyagang nagturo sa akin ng mga tulang binibigyang-buhay ko entablado sa tuwing may programa sa aming paaralan. Subalit nang ako ay tumapak na ng high school ay hindi ko na muli pang binalikan ang pag-tula. Mas nanaig sa akin ang kaisipan na para i-respeto at kilalanin ako ng aking mga kaklase at Ingles ang dapat kong pagbutihin. Noong panahon na iyon, hindi “cool” ang tumutula sa Tagalog.
Nagulat ang marami nang madinig akong tumutula sa Balagtasan kasama si Rolly Cailles at si Jesse Farrales. Nang ulitin namin ito sa Rizal Center sa pagdiriwang ng Philippine Independence, marami ang naakit na sumunod. Sa isang iglap, hindi na muling problema kay Roll yang kumuha ng katunggali sa Balagtasan na pinagyayaman at itinataguyod niya ditto sa Chicago. Nakakalungko lamang isipin na dahil wala na si Rolly ay muling mababaon lamang sa limot ang kanyang pinagpagurang umpisahan.
Pamana ni Balagtas
Literado at mataas ang pinag-aralan ni Francisco Baltazar, aka Balagtas. Nagtapos siya ng maraming kurso, kasama na ang Crown Law, Humanities at Philosophy. Sinulat niya ang kanyang mga tula sa Tagalog bilang pag-protesta sa mga Kastila. Nagwagi siya ng mga “awards” sa kahusayan ng mga sinulat niyang tula kaya’t siya ay kinilalang “Ama ng Balagtasan.” Kung hindi siya nagsusulat ng tula, siya ay naglilingkod bilang “translator of the courts,”” assistant to the Justice of the Peace at Major Liuetenant.
Naging “immortal” ang pangalang Francisco Balagtas dahil sa kanyang sinulat na nobelang Florante at Laura. Ang nobela ay sinulat niya sa kulungan nang siya ay ipakulong ng isang Mariano Capule upang maagaw niya ang mahal ni Balagtas na si Maria Asuncion Rivera. Nang siya ay lumaya, inilabas niya ng Florante at Laura na nagtamo ng napakaraming tagumpay at medalya para sa kanyang panulat.
Kakatuwa na ang ginamit ni Jose Rizal sa kanyang mga sinulat na nobela at tula ay wikang Kastila lamang sa kabila ng kanyang salitang, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay daig pa ang hayop at malansang isda.”
Hamon sa Pagdiriwang sa Amerika ng Kalayaan ng Pilipinas
Sa darating ng pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas, sana’y magkaron ng bahagi ang paggamit ng wikang Pilipino. Maging sa programa ng gabi ng parangal o kaya naman ay sa koronasyon ng mga Lakambini, sanay gamitin natin ang Tagalog o Pilipino. Hindi mahirap harapin ang hamon kong ito. Ang mahirap ay ang buwagin ang kaisipan na ang Tagalog o Pilipino ay walang puwang sa malalaking pagdiriwang tulang ng Philippine Independence.



Comments are closed.








Most Popular


Archives