ShareThis

  ESTADO

Mga Babasahing Ipinagbawal (‘At ang Naked Girls Reading’) – Part 2 of 2 Parts



by Fermin Salvador.
November 1, 2011
Isang interesanteng bagay tungkol sa kuwento sa likod ng mga libro at babasahing minsang ipinagbawal ng mga awtoridad ay ang naging importansiya ng mga ito paglipas ng panahon. Sa Pilipinas, unang sasagi sa isipan ang mga nobelang Noli Me Tangere (Noli) at El Filibusterismo (Fili) ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ipinagbawal ng mga namamahalang Kastila sa Pilipinas ang pagbasa sa mga ito sa dalawang pangunahing dahilan. Una, naglalaman ito ng mga pananaw na kontra sa karakter ng mga pari at doktrina ng Katolisismo. Maka-erehe at/o heretikal. Pangalawa, isinasaad nito ang mga kapintasan at kahinaan ng mga polisiya ng mga mananakop na Kastila. Dalawang librong may kambal na banta ng pagtatanim ng apostasiya (apostasy) at rebelyon/pag-aalsa sa kamalayan ng mga Filipino.
 
Babasahing Pangmenor
Sa kasalukuyan, ang dalawang nobela ni Rizal na minsang ipinagbawal basahin ng matatanda ay obligasyong basahin ngayon ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan. Ang Noli ay ‘required reading’ sa ikatlong taon at ang Fili ay sa ikaapat/huling taon sa hayskul. Ang mga ideya ni Rizal na noo’y itinuring na mapanganib ng mga kolonyador na Kastila ay itinuturing ngayon na karapat-dapat maitanim sa isipan ng mga kabataang Filipino. Pero ito’y bunga na rin ng mga pagbabagong pulitikal. May sariling pamahalaan na ang mga Filipino at may kalayaang magsulat ng sariling kasaysayan at humubog ng kultural na identidad.

  Noong panahon ng batas-militar ay marami ring ipinagbawal na libro bukod sa mga pelikula at maging palabas sa telebisyon. Isa na sa mga librong ipinagbawal ang “The Conjugal Dictatorship” ni Primitivo Mijares. Matapos ang ‘EDSA ‘86’ ay isa-isang pinahintulutan ang mga ipinagbawal ni Marcos mula sa “Voltes V” na kartun pangtelebisyon hanggang sa iba’t ibang literatura na binansagang subersibo, sedisyoso, at kung anu-ano pang paratang.
 Pulis-Moralidad

Sa di-pulitikal na usapin, madalas pagdiskitahan ang mga produktong limbag na hinahatulang malaswa. Sa purong prosa man o babasahing may kalakip na mga larawan ay di nawawalan saanman ng mga nagsariling-hirang na ‘pulis-moralidad’. Minomonitor nila ang mga inililimbag na babasahin. Kapag may nasuyod sila na sa hatol nila’y ‘malaswa’ ay nagsasagawa sila ng pagkilos, nagla-lobby sa mga pulitiko, nagsasampa ng asunto laban sa mga sangkot gaya ng pabliser at personal din silang sumasama sa mga protesta hanggang sa pagkumpiska ng mga awtoridad sa mga ‘ebidensiya’.

 Mapapansin din na nakakahon ang pagsipat sa mga akda batay sa hanay o uring pinagmulan ng awtor/pabliser nito. Noong panahon ng rehimeng Marcos, o marahil sa alinmang diktaduryal na rehimen sa mundo, hinahakang may nakapaloob na pulbura basta akda ng isang may reputasyon ng pagiging intelektuwal.

Na may pulitika sa akda ng mga nasa akademya na nagdudulot ng paranoya sa mapaniil na dispensasyon. Kapag pangmasa naman ay nagsisimula at nagtatapos ang panganib na dala sa estado sa pagiging malaswa nito. Hindi hinahanapan ng nakakubling pulitikal na mensahe ang mga nobela halimbawa ni Carlo Caparas habang hindi maniniwalang nais lang magpalibog, at wala nang iba, kung ang nagsulat naman ay sabihin nating si Pete Lacaba. Pero kung ganito tayo lagi mag-isip, gaya nang sabi rin ni Pete sa isang tula: Lagot tayo.

 Sa demokratikong kalakaran, pantay-pantay ang karapatan sa paglilimbag at maging sa mga salik na pangregulasyon at hindi dahil sa antas (at bantas) ng edukasyon, kabuhayan, kalagayan, at impluwensiya sa lipunan.

 Ehersisyo sa Poder
 Mapapansin na ang sensura ay ehersisyo sa poder. Ito rin ay kaugnay ng poder. Isinasagawa ang pagbabawal bilang pagpapakitang-gilas sa taglay na kapangyarihan at/o para manatili sa kapangyarihan. Madalas nating marinig, ang pagbabawal per se ay bahagi ng pamumuhay sa isang maayos na lipunan.

Nararapat magkaroon ng balanse sa pagitan ng karapatan ng iba’t ibang indibidwal at pangkatan na umiiral sa loob ng lipunan. Natatamo lang ang balanseng ito kung ang bawat isa ay handa ring magsakripisyo ng bahagi ng kani-kanyang kalayaan.

Ibang usapan pagdating sa usapin ng ideya at kasunod nito’y pagsasaad ng ideya sa limbag na porma. Ideya ang nagpapagalaw sa mundo at ang pagbabawal na maibahagi ang isang ideya ay ina ng lahat ng paniniil.

 Ang aklat ay hindi tulad ng isang tanghal sa galeriya na sa isang iglap ay mabibihag ng iyong mga pandama. Hindi ito tulad ng himig na maririnig mo sa ayaw at gusto kapag nagkataong naroroon ka sa lugar na pinagtutugtugan nito. Ang aklat ay may pabalat na nagsisilbing pinto na binubuksan kung nais matuklasan ang mga lihim nito. May praybasi. Kumbaga’y ‘for your eyes only’ ang proseso ng pagbabasa bagaman ang librong binabasa mo’y may daan, libo, o milyon nang kopya sa sirkulasyon.

 Nasabi nating ang pagbabasa ay isang prosesong isinasagawa nang pribado na umiiral sa pagitan ng nagbabasa at awtor na naglalahad sa mambabasa sa pamamagitan ng limbag na sulatin. Pero mayroon ding sabayang pagbasa at patanghal na pagbasa na malayang aktibidad sa mga nagpasyang sumali rito bilang perpormer o bilang odyens.

Nagsimula ang konsepto sa likod ng Naked Girls Reading (NGR), ayon sa websayt nito, bunsod mismo ng pagkahilig sa pagbabasa. Nakasanayan ng fundador ng NGR, si Michelle L’Amour, na magbasa nang hubo’t hubad. Isang araw ay nadatnan siya ng kaibigang si Frankie Vivid na nakahilig sa sofa at nagbabasa ng libro. Humantong ito sa pagdebelop nila ng isang naiibang konsepto sa pagtatanghal. Ang tagumpay ng konsepto ng NGR ay pinatutunayan ng pagkakaroon na nito ngayon ng tsapter sa iba’t ibang medyor na siyudad sa US.

 Konteksto ng mga Teksto
May pagtatanghal ang NGR ilang beses kada taon depende sa okasyon o napapanahong tema. Sa abereyds ay may isang pagtatanghal kada buwan. Tuwing Agosto ay may espesyal na programa na tinawag na “So You Wanna Be A Naked Girl Reading?“. May sampu o higit pang kontestant na naglalaban para maitanghal bilang ‘Naked Girl Reader of the Year’. Marami sa mga babaeng sumasali ay pistaymer (first timer) sa larangan ng patanghal na pagbabasa nang walang saplot. Nagmumula sila sa iba’t ibang panig ng lipunan at marami ay mga propesyunal o may tiyak na karera. May mga estudyante sa kolehiyo at/o nagtapos sa kolehiyo. May mga sumali nang guro, abogada, negosyante, kawani, atbpa. May mga payak na maybahay at kasama pa ang asawa na nasa odyens at pinanood siya sa timpalak. Ang iba’y kasama ang nobyo nila.

Nagdagdag ng isang ‘notch’, ‘ika nga, ang NGR sa pagiging bawal ng mga tinawag na ‘banned books’. Ang mga bahagi ng ilan sa mga librong minsang ipinagbawal ay kanilang binasa habang walang saplot sa katawan sa harap ng maliit na odyens. Pero gaya nang nilalaman ng mga ‘bawal na libro’, ang kahubaran o ang kahatulan sa pagtatanghal nito kung bawal o hindi ay nakasalalay din sa pinagsasaluhang konteksto ng bumabasa/tumitingin at nagsulat/nakahubad.
 



Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.








Most Popular


Archives