ShareThis

  ESTADO

Ang ‘Humor Warfare’ ng mga Filipino (Part 2 of 2 Parts)



by Fermin Salvador.
August 20, 2011
Ang pinakatanyag na karakter-komiks sa kasaysayan ng komiks sa Pilipinas ay si ‘Kenkoy’ na nilikha sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Repleksiyon si Kenkoy ng nagbabago (transforming) na kultura ng mga Pinoy sa pananalita niyang nang lumaon ay tinawag na ‘Tag-Lish’ at pananamit na nakilala sa salitang ‘isputing’. Maikakategoryang ‘satire’ ang nakadibuhong mga pakikipagsapalaran ni Kenkoy sa mentalidad ng mga Filipino na gumagagad sa banyagang kultura. Nag-mature si Kenkoy, ayon sa takbo ng kuwento, matapos mapangasawa ang ‘tru lab’ na si Rosing at mula sa pagiging haragang may ‘colonial mentality’ ay naging responsible at mapagmahal sa mga katutubong kalinangan.
 
Kenkoy (a)ng Lahing Filipino
Wala pang kumprehensibo at formal na pag-aaral sa ‘impact’ ng kuwento ng buhay at pakikipagsapalaran ni Kenkoy sa pag-usad ng kamalayan ng sambayanang Filipino. Ang walang duda at hindi matatawaran ay ang katotohanang siya’y natunghayan/sinubaybayan ng milyong Filipino sa mga henerasyong nakapaloob sa mahigit sa kalahating siglo. Sa mga pahina ng komiks na nilalait ng mga elitista ay naging kay Antonio Velasquez, maylikha kay Kenkoy at isang anakpawis, ang huling halakhak nang ‘kenkoyin’ niya ang balahurang gawi ng mga elitista sa kanilang pagtangkilik sa banyagang kultura at pagiging hambog sa taglay na yaman at edukasyon. 

Noong panahon ng rehimeng Marcos ay gumamit ang matatapang na mamamahayag ng ‘satire’, ‘parody’, at ibang anyo ng humor sa pagsusulat laban sa mag-asawang Marcos at mga alipores ng mga ito. Parang pigsang sumulpot ang mga garapal na tudyo sa sakit ni Marcos, garbo ni Imelda, at pagkamasunurin ni Heneral Ver.

Maganda ring banggitin ang mga tinatawag o tinawag (dahil laos na) na ‘Erap jokes’. Isa sa mga nilikhang katauhan ni Pres. Estrada sa puting tabing ang isang magiting na makabayan na pulpol sa wikang dayuhan gaya ng Ingles. Bahagi ng pelikula niya ang paglalagay ng katatawanan sa mali-maling pag-Ingles. Ito ang mga unang ‘Erap jokes’. Sa pagpasok sa pulitika ay minaliit siya ng mga tradisyunal na pulitikong pataasan ng ihi at pinag-aralan (o iisa lang ito?). Sumulpot ang mga ‘Erap jokes’ tungkol sa katangahan niya at pagiging inosente sa maraming bagay. Sa halip na supilin, naisip ng mga adbayser niya na gamitin ito para lalo pa siyang sumikat. Nag-boomerang sa mga kaaway sa pulitika ang epekto ng ‘Erap jokes’. Nanalo si Erap sa eleksiyong pampanguluhan. Pero ang nanalo nang dahil sa biro, gaya nang kasabihan, ay sa biro rin magwawakas. Kaya nang sumailalim siya sa litis sa ‘impeachment’ ay kumalat ang mga joke na gaya nito: “Cory is in yellow, Erap is in peach (impeach)”.
Wala ngang duda na bilang lahi ay mahilig ang mga Filipino sa katatawanan. 

Patunay dito ang mga joke na araw-araw (o oras-oras) na umuusbong mula sa kung saan-saan. Sa Pilipinas lang yata naging kultura na ang text messaging sa selpon ay naging instrumento sa pagpapalitan ng mga biro . Kahit sinong Pinoy, mga anonimo, mula sa kung anu-anong propesyon o trabaho, o walang trabaho, bata, babae, lalaki, tinedyer, senior citizen, taga-Maynila, tagabukid, taga-iskuwater, taga-subdibisyon, at kung sino-sino pang ‘taga’ pati na ang may marka ng taga sa mukha ay nakaiisip ng katatawanan sa sari-sariling sirkulong ginagalawan. Kung di isang armas ay isang kalasag ang pagtawa sa mga Pinoy para sa arawang surbaybal.
 
Siste at Stand-up Comedy
Naging mabenta ang mga aklat ni Bob Ong hindi naman dahil sa nilalaman ng mga ito na sa hatol ng di iilan ay ‘kapos sa lalim’ kundi sa siste o, mas ispesipiko, pagtrato (treatment) niya sa pinapaksa na bukas sa mga nakakikiliting anggulo. Kung iisipin, walang paksa na may bakuna laban sa katatawanan. Nababatid ito ng mahuhusay na ‘stand-up comic’ gaya nina Richard Pryor, Bill Cosby, George Carlin, at maging ang Fil-Am na si Rex Navarette. Isang kritiko ang nagsabi na ang kaibahan daw nina Cosby at mas bata na si Chris Rock sa ibang nagpapatawang Itim ay ang kakayahan nilang maging comic sa isang banda at social commentator sa kabilang banda. Inilalagay nila sa nakatatawang presentasyon ang mga maling asal at gawi ng kanilang mga kakulay upang mag-udyok ng pagdidili-dili sa mga nasabing kamalian.

Sa kabila ng malaking papel sa kasaysayan ay masasabing maliit ang arkibo ng literatura ng katatawanan ng mga Filipino kumpara sa ibang bansa. Nananatiling maliit na hanay ang mga bumabagtas sa direksiyon ng mapagpatawang panitikan. Naging tuon ng ‘de-kalidad’ o ‘pangkalidad’ na pagsusulat ang istriktong pagmalay at pagsunod sa mga itinakdang pamantayang panlabas at panloob.

Mahalagang mailangkap ng mga bagong sibol na manunulat ang esensiya ng katatawanan sa pagsusulat nila sapagkat ito’y maituturing na isang armas na maidaragdag sa kanilang arsenal ng kasanayan. Gaya nang kasabihan, tumawa ka at ang masa ay makikitawa sa iyo; pag kunot-noo ka ay si Vicky Belo lang ang interesado.

Naghahanap ang sambayanang Filipino ng mga kuwento, sanaysay, tula, dula, dagli, at mga katulad na sasaling sa kanilang pisikal, pangkamalayan, at pang-ispiritung ‘funny bone’. Hindi mali ang magpakaseryoso sa paraan ng pagsulat pero isang reyalidad na duda o takot, at iwas ang masa at nakararaming Filipino sa mga sulating seryoso matapos ang mga dinanas na kasawian sa tinubuang lupa na dulot hindi lang ng regular na hagupit ng kalikasan kundi ng kalupitan ng kapwa-tao. Mas pinipili ng mga Filipino ang pakikipagsaya; bilang lahi’y nangunguna sa hospitalidad, sa halip na makipagtunggali kahit hinihingi na ito ng pagkakataon. 

Tawa Para sa Pagbabago
Kahit sa mga panooring iyakan ay pinipili ng masa ang hinahatulang ‘mababaw’ at ang ‘preferred’ nila (sa iglapang obserbasyon) ay ang de-formulang drama na malamang sa hindi na hindi umaaplay sa drama ng sari-sariling buhay. Ang trahedya sa buhay ng ordinaryong Pinoy kung masusing titingnan ay ang paulit-ulit niyang pagiging biktima ng iba’t ibang pagsasamantala na humahantong sa mas mababang kalidad at/o katuturan ng pag-iral niya sa daigdig. Superpisyal lang na may hagulgulan bunga ng ‘love triangle’ o (petty) family quarrel. Ngunit paano mo ilalahad ang reyalidad ng malapiyudal na sistemang pang-ekonomiya o ang pilosopiya sa dayalektiko-materyalismo nang hindi ka pagpapatayan ng telebisyon o pagtitiklupan ng magasin ng isang magtataho? Laluna siguro kung babanatan pa sila ng mga ‘world view’, ‘meme’, ‘bildung’, ‘erziehung’, at kung anu-ano pang terminong napulot sa mga pangalang mahirap ispelengin. Pero kung may gera sa pagitan ng pagbabago at pagkabulok ay kailangang gamitin ang anumang maaaring gamitin upang mabasag ang dedlak (deadlock). 

Sa artikulong “Nilupak at Espasol” ni Gelacio Guillermo ay nasaling niya rin ang paggamit ng ‘katatawanan’ sa mga akda na binabansagang ‘linyado’ na ‘yupemismo’ (euphemism) sa mga sulating sosyalista, makakaliwa, o may kiling sa kaliwa, o mula sa gitna patungong kaliwa. Ito’y bilang parunggit sa isang kritikong nagparatang na ang pagkakaroon ng ‘pulitika’ na inihanay niya sa ‘linya’ sa pagsusulat ay nagdudulot ng kawalan ng flexibilidad sa mga manunulat. Nauwi ang bigayang-halimbawa sa paggamit ng katatawanan na sa unang tingin ay walang puwang sa mga ‘linyado’ na sulatin. Pinabulaanan ito ni Guillermo. Ayon kay Guillermo, kahit ang sambayanang dinurusta at nasa gitna ng pakikipagtunggali ay may sariling paraan ng pag-aliw sa kanilang sarili ‘at the expense’, ‘ika nga, ng mga katawa-tawang asal at gawi ng naghahari-hariang uri.

Sa pamamagitan ng katatawanan ay mas nabibigyang-pansin ng mas akararaming mamamayan ang mga isyu na kadalasang hindi nila pag-aaksayahan ng panahong pakinggan kung talumpati o basahin kung nasa anyong sulatin. Kung masyadong malaki ang tableta na kailangang lunukin, maaaring gawin itong matamis upang nguyain na lang ng maysakit (may kanser, gaya nang sabi ni Dr. Rizal) kesa tanggihan niya ang gamot o mabilaukan siya kung pipilitin itong lunukin. Ganito ang ginagawa sa mga bitaminang pambata. Ginagawang parang kendi na naiibigan nila na sa isang banda’y nakabubuti rin sa kanila. Ganito rin ang magagawa ng katatawanan sa pakikibaka. Ang katatawanan ay ang asukal na magpapatamis sa pait na dinaranas ng mga dinurusta, nilalamangan, at nililinlang ng mga nasa dispensasyon. Tandaan na may tamis na di pansamantalang nagpapalimot bagkus ay nagdudulot ng permanenteng paggising sa kamalayan. Katulad din na may tamis na hatid ang ganap na pagbabago sa Sistemang pinapaitan.



Leave a Reply








Most Popular


Archives