ShareThis

  ESTADO

Pilipinas-Tsina, Tsina-Hapon, Hapon-Pilipinas



by Fermin Salvador.
December 18, 2010
May mahabang kasaysayan ang pakikipag-ugnayan ng mga Filipino sa mga kapwa-Asyanong mga Tsino at Hapon, bukod sa mga ibang Asyanong gaya ng mga Indiyan, Indones, Arabo, atbpa.
Maraming siglo bago pa dumating ang mga Kastila ay nakikipagkalakalan na ang mga kahariang umiiral sa kapuluan ng Pilipinas sa mga Tsino at ibang Asyano. Bago ang kolonisasyon ng mga Kastila, ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t ibang tribu na ang bawat isa ay hiwalay na nakikipagpalitang-produkto (barter) sa mga dumarayong mangangalakal partikular na ang mga Tsino. Napaulat din na may isang sultan buhat sa kapuluan ng Pilipinas na naging panauhin ng emperador ng Tsina.

Kasaysayan at Karatig-Bansa
May panahon na tinangkang sakupin ng Pilipinas ang isang parte ng Tsina. Sa panahon ng kolonisasyon ng mga Kastila sa Pilipinas, maraming Filipino ang nagsilbing kawal sa mga isinagawang pagsalakay sa Formosa (ngayo’y Taiwan) upang maidagdag ang islang ito na bahagi ng Imperyo ng Tsina sa mga teritoryong sakop ng Espanya sa Asya na ang sentro ng poder ay nasa Maynila. Kaya may panahong ini-invade ng mga Filipino ang Tsina.

Hindi naging kasingdalas na gaya sa mga Tsino ang ugnayan ng mga pre-kolonyal, at maging kolonyal, na Filipino sa mga Hapon at ito’y dahil sa agwat ng dalawang bansa. Si San Lorenzo Ruiz na unang santong Filipino ay naging martir sa Nagasaki sa Hapon matapos mapasama sa grupo ng mga misyonerong Kastila na nagtungo roon upang ipakilala ang Kristiyanismo sa mga Hapon. Nang itatag ni Gat Bonifacio ang Katipunan, ang bansang Hapon ang naisip niyang pag-angkatan ng mga armas na gagamitin sa planong ilunsad na himagsikan. Ilan lang ang mga ito sa mga historikal na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas-Hapon. At siyempre pa ay ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na ang Pilipinas ay sakop ng Hapon sa loob ng tatlong taon.

Kamakailan, isang barkong pangisda ng Tsina ang dinakip ng mga awtoridad na Hapon. Mabangis ang naging pahayag at reaksiyon ng lider ng Tsina, si Premier Wen Jiabao, kaugnay ng pangyayaring ito.
Sa maraming pagkakataon ay inaaresto rin ng pamahalaang Pilipinas ang mga mangingisdang Tsino na naaakusahang pumapasok at nangingisda sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas. Ngunit waring hindi kasingtahas ang reaksiyon sa ganitong kaganapan ng pamahalaang Tsina na tulad ng mabilis na ‘pagbabanta’ nito sa mga Hapon.

Dagat ng Diplomasya
Mas malumanay at madiplomasya, sa ibang sabi, ang pananalita ng Tsina sa Pilipinas kumpara sa naging paraan ng reaksiyon nito sa Hapon. Maaaring salik na aminado ang Tsina na may paglabag nga ang mga mangingisda nila nang pumasok sa karagatan ng Pilipinas habang hindi sila umaamin ng kasalanan sa isyung kinasangkutan nila sa Hapon.

Posible ring marami pang ibang salik na sangkot. Isa na rito ang madilim na nakaraan sa pagitan ng Tsina at Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na minasaker ng sandatahang Hapon ang mga mamamayan ng Tsina na isang bagay na hindi malilimot sa loob lang ng maikling panahon. Isang ‘natutulog na dragon’ ang Tsina sa pagsisimula ng ika-20 siglo at hinangad itong masakop ng Hapon na noo’y kontrolado ng mga militarista.

Pumalit ang pulahang pamumuno ni Mao Zedong sa gobyerno ni Chiang Kai-shek sa Tsina. Nanatili si Chiang Kai-shek sa isla ng Taiwan na naging hiwalay na estado. Sa ilalim ng liderato ni Deng Xiaoping ay nagkaroon ng higanteng paglukso ang ekonomiya ng Tsina habang ang militar na puwersa nito’y pumangatlo sa US at Rusya.

Kabilang ang Hapon sa G8 o pangkat ng mga pinakaindustriyalisadong estado sa mundo. Hindi kabilang ang Tsina sa G8 subalit kabilang ito sa limang nangungunang ekonomiya ngayon sa mundo at patuloy sa mabilis na paglago. Sa usapin ng lakas-militar, ang Tsina ay itinuturing na ngayong ‘superpower’ samantalang ang Hapon ay nagpapairal ng demilitarisasyon. Kung aktuwal na digmaan ang pagbabasihan ay walang laban ang Hapon ngayon sa Tsina. Pero kung magkakaroon ng polisiya ng pangkalahatang remilitarisasyon ay hindi mababalewala ang posibleng maging lakas-militar ng Hapon sa disiplina at antas ng teknolohiya na pangalawa lang marahil sa US.

Kaya sa tingin ng Tsina, ang Hapon ay nananatiling mapanganib at isang potensiyal na katunggali sa dominasyon sa Asya. Na minsan nang pinatunayan ng Hapon sa paggamit ng lakas-militar nito.

Di Mapanganib ang Pilipinas?
Maghaka naman tayo kung paano tinitingnan ng Tsina ang Pilipinas bilang karatig-bansa. Sa pananaw ng mga Tsino at ibang bansa, ang Pilipinas ay nananatiling naghahabol sa industriyalisasyon at pag-asensong pangkabuhayan. Ang arsenal ng militar nito ay kabilang sa pinakaluma sa buong Asya. Sa taktikal na pagsipat, walang umiiral na lakas-panghimpapawid (air force) ang Pilipinas na haligi ng puwersang sandatahan sa makabagong panahon.

Walang sangkot na tulungang pangtanggulan (mutual defense) sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na pinakamalapit na pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa ibang bansa. May pakikipag-alyansa din ang Pilipinas sa US. May umiiral na “mutual defense pact” na pinaigting pa ng pagkakaroon ng “Visiting Forces Agreement” sa pagitan ng Pilipinas at US. Sa kabila ng tinatawag na ‘love-hate relationship’ ay mayorya pa rin ng mga Pinoy ang humahanga sa US, at papanig dito kung papipiliin kagaya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isa ito sa kinukunsidera ng Tsina sa ‘istratehiya’ nito sa pagharap sa Pilipinas.

Umaabot na sa halos isandaang milyon ang bilang ng mga Filipino. Ang bilang ng mga mamamayan ay mahalaga ring salik bilang ‘materiel’ sa usapin ng digmaan.

Para sa Tsina, hindi ba’t mainam na maging kakampi ang mga Filipino sa halip na maging kaaway? Lalo at sa tingin nito ay laging naghahanap ang mga Filipino ng ‘kuya’ o kaya ay ‘tiyuhin’ na sasandigan.
Patuloy ang mga isyu ng Pilipinas sa Hapon man o Tsina. Gaya sa ibang bansang pininsala ng Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, wala pang kasiya-siyang pagsasara (closure) ang sinapit ng mga tinawag na “comfort women”. Sa parte ng Pilipinas-Tsina, nananatili ang krisis sa pagmamay-ari sa mga pulo na tinatawag ng Pilipinas na “Mga Isla ng Kalayaan” at tinatawag ding “Mga Isla ng Spratley”.

Sa teritoryo ng Pilipinas pinakamalapit ang mga pulong ito subalit Tsina ang pinakaagresibo sa mga bansang umaangkin dito.

Kanugnog at Kapartner
Sa kasalukuyan, ang dalawang kanugnog na bansa ng Pilipinas na Tsina at Hapon ay parehong mahalagang kapartner nito sa kalakalakan bukod sa US. Sa isang banda, ang US ay medyor na ‘trading partner’ din ng Tsina at Hapon. Ang US ang nangunguna pa rin na mangangalakal na estado sa daigdig at pinakamalaking merkado ng produktong pangluwas ng maraming bansa. Ang Hapon at Tsina, sa isa pang banda, ay hindi signipikanteng magpartner sa kalakal sa kabila ng lapit ng agwat nila sa isa’t isa.

Tinatayang magpapatuloy ang mabilis na industriyalisasyon at paglago ng ekonomiya ng Tsina sa malapit na hinaharap. Magiging mahigpit na kakumpitensiya ito ng US at Hapon sa merkado ng kanilang mga produktong pangluwas. Anu’t anuman, ang Pilipinas na may halos isandaang milyong populasyon at ‘medium-size’ na ekonomiya na sinusuhayan ng bilyon-bilyong dolyar na remitans ng milyon-milyong OFW ay isa ring higanteng merkadong hindi maaaring bale-walain ng Hapon man o Tsina.



Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.








Most Popular


Archives