ShareThis

  ESTADO

Mula Bomba Hanggang Hip-Hop



Sa loob ng tatlong siglo, kambal na bayan ang Pilipinas at Mexico dahil pinamunuan ng Espanya ang una sa pamamagitan ng huli. Pagkatapos ng Mexico, masasabing ang sumunod na Hispanik na bansang hermana ng Pilipinas ang Puerto Rico. Gaya ng mga Pilipino, ang kilusan tungo sa paglaya ng mga Porto Ricano ay nakakasa na nang dumating ang mga hukbong Amerikano sa kanilang isla noong 1898 para opisyal itong angkinin ayon sa isinaad sa Tratado sa Paris sa pagwawakas ng digmaan sa pagitan ng Amerika at Espanya. Isa si Juan Flores na may-akda ng aklat na “From Bomba to Hip-Hop: Puerto Rican Culture and Latino Identity” sa mga Porto Ricano na nagtatangkang ilarawan at bigyang-depinisyon ang ngangayuning kultura at kundisyon ng pamumuhay ng mga Porto Ricano sa Puerto Rico, sa US, at ang pinag-ugatan ng kultura at kundisyong ito.

Joe Bataan
Kabilang sa mga natalakay ni Flores sa From Bomba to Hip-Hop ang buhay ni Joe Bataan, isang kalahating Pinoy-kalahating Aprikano-Amerikano na Nuyorikano (New Yorker) na nakilala bilang musikerong Latino o “Latin soul artist”:
“Sa mga biglang sumulpot noong boogaloo era, ang isang natatangi at nagtamasa nang mahaba bagaman masalimuot na karera ay si Joe Bataan. Ang una niyang inirekord na ‘Gypsy Woman’ ay pumatok nang agaran at pangmatagalan sa mga tagasubaybay na Itim at Porto Ricano matapos lumabas ito noong 1967, kasagsagan ng Latin boogaloo era. Kaya lang, ang kantang iyon na kober niya sa bersiyong Latino ng superhit noong 1961 ni Curtis Mayfield and the Impressions at ang alinman sa mga komposisyon ni Bataan ay di maituturing na boogaloo, at di niya rin ninais na maituring na ganito. ‘Kahit kailan di ko nagustuhan ang salitang iyon,’ sabi ni Bataan. ‘Kinaiinisan ko. Para sa akin ay isang pang-iinsulto. Ang musika ko at ang karamihan sa mga tinatawag na boogaloo, sa pananaw ko, ay mas angkop tawaging Latin Soul.’ Binansagan niya na ‘La-So’. Nang sumikat ang salsa, inangkin niya ang kredito sa terminong ‘salsoul’ na naging pangalan ng isang record label na namayagpag sa ilang panahon.

Pinoy na Porto Ricano?
“Bagaman tubo sa El Barrio at naging kilala sa mga street gang sa lugar na iyon sa mga huling taon ng dekada singkuwenta at pagsisimula ng dekada sisenta, si Bataan ay walang dugong Porto Ricano. ‘Ang tatay ko ay Pilipino, ang nanay ko ay Aprikana-Amerikana, laki ako sa kulturang Porto-Ricano,’ sa pagsasalaysay niya. Ang mga nakasalamuha niya sa pagkabata ay pinagsamang Aprikano-Amerikano at Porto-Ricano. Ang musika niya na nalinang sa mga panahong nasa bilangguan siya ay mas nakaaakit sa mga Itim at Puti kesa sa mga Latino. Kung ang musika sa Latin boogaloo period ay kumakatawan sa pagpapatuloy (continuum) mula sa Latin patungong R & B, ang musika ni Bataan ay maihahanay sa nasa bahaging kumakatawan sa uring (musikang) Itim sa ispektrum. Si Bataan ay isa ring lubhang eklektikong kompositor at perpormer, malawak ang pinaghahanguan ng mga ideya at eksperimentasyon. Kumpara sa ibang kabataang musikero sa nilakihan niyang baryo sa mga panahong iyon, mas inspirado siyang isalin sa mga likha (creations) ang pinagdaanang buhay at mga karanasan sa lansangan. Kahit ang bahistang si Andy Gonzalez na minamaliit ang musikang boogaloo ngunit tagahanga ni Bataan ay nagsabing: ‘Kung nais n’yong malaman ang mga nagaganap sa mga lansangan, pakinggan n’yo ang mga kanta ni Joe Bataan.’
“Ang buhay ni Bataan sa musika ay kuwento ng surbaybal at determinasyon, at nagbibigay ng malalim na kabatiran sa makinasyon sa industriya. ‘Musika ang aking tagapagligtas,’ ani Bataan. ‘Sa edad na 15, nagsimula akong bumuno ng limang taon na sentensiya sa Coxsackie. Isang araw, naantig ako sa pangaral ng isang guwardiya kaya nagpasya akong matuto ng kasanayang magagamit ko sa labas ng bilangguan. Pakapa-kapa, natuto akong magpiyano. Ginaya ko ang istilo ni Eddie Palmieri…siya ang idolo ko. Taon 1965 nang bumuo ako ng banda, isang promoter, si Federico Pagani, ang tagahanap ng regular na gig namin. Puro kami napakababata pa sa banda, puro tagabaryo, kung hindi talagang wala ay kakaunti ang karanasan sa pagtugtog. Nang pumatok ang pagkanta ko ng Gypsy Woman sa live audience, ini-refer ako ni Pagani kay Goldner. Nang kantahin ko ang Gypsy Woman kay Goldner, magalang niyang sinabi sa akin na: ‘Magaling, pero mas bagay sa iba ang kanta.’ Hindi raw maskulino ang boses ko.’ Mas ikinagalit ni Bataan ang hatol sa maskulinidad ng boses niya kesa sa pagiging musikero niya sa kabuuan. Isinumpang makakabawi siya. ‘Pumirma ako ng kontrata sa sikat na DJ na si Dick ‘Ricardo’ Sugar, na narinig akong kumanta sa Teatro Boricua. Ipinakilala niya ako kay Jerry Masucci ng Fania. Pumirma ako ng kontrata sa Fania para sa rekording ng Gypsy Woman, taon 1967.’”

Imigrasyon ng mga Latino
Sa introduksiyon ng nasabing aklat, may nakasaad na ganitong pananaw:
“Sa pangkalahatan, ang imigrasyon ng mga Latino ay naganap ayon sa kumpas ng US. Direkta o indirekta, positibo o negatibo, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay at pagsandal ay nagdulot ng likas na balani na ang paglagos sa harang sa pagitan ng mga hemispera ay lalong umigting sa nakalipas na kalahating siglo. Ang karanasan ng Puerto Rico ay nagbibigay-hubog sa bagong modelo (paradigmatic) sa halip na tumayong katangi-tangi sa pangkabuuan sa mga Latino sa pagsusulong sa mga kilusan at hamon ng paglikas. Para sa layon ng pagbabagong-sipat sa kasaysayan at mga bagong tahakin ng pang-ideyolohiyang kamulatan, ang bara (lever) ng kolonyalismo at pandaigdigang dominasyon ay nabura sa bokabularyong pampanunuring-panlipunan, nahalinhan ng nakabalatkayong globalismo, kilusan at mga network na transnasyunal at, sa domestikong antas, multikulturalismo at pulitika ng identidad.
“Bunga nito, ang pandaigdigang karanasan sa mala-dayasporang dislokasyon at pagpapalit-bayan ay naililihis sa alinmang kaugnayan sa usapin ng di pantay na kapangyarihang pulitikal at pang-ekonomiya sa pagitan ng mga nasyon, ganoon na rin sa redepinisyon ng mga kaibahang pangkultura sa pagitan ng mga bagong nagkatagpo-tagpong magkakaibang lahi. Ang mga kaibahang ito, halimbawa’y ang nasa pagitan ng mga ‘Latino’ at ‘Amerikano‘, o ang nasa pagitan ng iba-ibang pangkat ng mga Latino, ay karaniwang nakabatay sa mga paghahambing, pinapayak sa mga simbolikong dimensiyon, habang ang kasaysyan at istruktrura ng kapangyarihan ay inalisan ng pampanunuring relebansiya.”



Comments are closed.








Most Popular


Archives